Mapagpalayang bati!

TUNAY NA KATARUNGAN AT HUSTISYANG PANLIPUNAN. Ito ang nagpapatuloy na inaasam ng mga manggagawa ng Toyota.

Labing-dalawang taon na po kami sa aming pakikibaka, laban sa malawakan at iligal na pagtatanggal sa amin ng Toyota, dahil lamang sa pagtatayo ng unyon  kung saan ay ayaw kilalanin ng Toyota.

Nagtayo kami ng Unyon upang kahit na paano ay mabago ang  kalagayan at kondisyon naming mga manggagawa sa loob ng pabrika. Dahil sobrang hirap ng trabho, mainit na produksyon, napakahigpit at siil na mga patakaran. Nais namin na magkaroon sana ng seguridad bilang mga regular na mga manggagawa. Gayundin upang magkaroon ng nakabubuhay na sahod at benepisyo. Subalit lahat ng ito ay hindi naganap dahil sa halip na irespeto at igalang ng Toyota ang aming mga lehitimong mga kahilingan at karapatan ay iligal na tinanggal ng Toyota ang 233 mga kasapi at lahat ng lider ng aming unyon.

Maging ang mga desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, na nag-uutos sa Toyota na kilalanin ang unyon at simulan ang negosasyon para sa collective bargaining agreement ay hindi rin ipinatupad.

Sa loob ng mahigit isang dekada ng aming patuloy na pakikibaka, sinuportahan ito ng maraming mga manggagawa dito sa Pilipinas at sa buong mundo at nagpaabot ng aming kahilingan sa Toyota at sa Gubyerno ng Pilipinas. Sa kabila nito, nanatiling bingi at hindi pinapansin ng Toyota at ng ating gubyerno ang mga kahilingang ito, upang tapusin na ang mahabang panahong pakikibaka ng mga manggagawa ng Toyota.

Napakahirap para sa aking mga kasama na mga iligal na tinanggal ang magpatuloy ng pakikibaka, dahil walang makuhang desenteng trabaho. Dagdag pang alalahanin ng aking mga kasama ang para sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya mula sa napakamahal na mga bilihin at singil sa serbisyo; tulad ng bigas, LPG, tuition fee, pambaon ng mga anak, mataas na singil sa kuryente at tubig.

Marami sa aking mga kasama ang napalayas na sa mga inuupahang bahay; nagtrabaho bilang mga construction workers, tricycle at Jeepney driver, naging mga kontraktwal na lamang at mga vendors at ang iba ay nakipagsapalaran sa pagtatrabaho sa ibang bayan, dahil sa pangangailangang mabuhay upang patuloy na makibaka. Walo (8) na sa mga anak ng aking mga kasama ang namatay dahil sa kahirapan at marami na ang naghiwalay na mag-asawa dahil sa kahirapan ng buhay, subalit nagpapatuloy pa rin sa pakikibaka.

Sa aming paghahanap ng katarungan para sa aming pakikibaka, nasumpungan namin ang mga taong simbahan sa pangunguna ng Church People-Workers Solidarity. Na nagpapalaganap ng aral ng simbahan na mas mahalaga ang manggagawa kaysa kapital, dahil ang mga manggagawa ay kawangis ng Diyos samantalang ang kapital ay isang bagay lamang. Tulad ng kanilang pinapangarap, pangarap din ng mga manggagawang iligal na tinanggal ng Toyota, na ang mga manggagawang Pilipino na tinatanggalan na ng dignidad ay mabigyan ng respeto. Magkaroon ng desenteng trabaho at nakabubuhay na sahod, upang kahit paano ay maibsan ang  kahirapan. Pangarap din naming makapag-aral ang aming mga anak ng hindi pinuproblema ang napakataas na tuition fee.

Ngayong pandaigdigang araw ng mga manggagawa, sa pamamagitan ng simbahan at ng kapwa ko mamamayang Pilipino. Magkaisa at sama-sama po tayo na makibaka upang ipaglaban ang mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawa. Upang magkaroon ng tunay na pagbabago, hindi lamang para sa ating mga sarili, kun’di para sa ating mga anak na magiging manggagawa din sa hinaharap at upang maibalik ang tunay na dignidad ng mangggagawa bilang tagapaglikha ng yaman ng mga bansa.

Suportahan po sana ninyo ang aming mga kampanya at panawagan na ibalik ang lahat ng mga manggagawang iligal na tinanggal ng Toyota.

Maraming salamat po.